Mga Pahina

Sabado, Hunyo 23, 2012


Ortiz 146.5 lbs; Lopez 144.75 lbs

HOLLYWOOD - Kapwa pasok sa ginanap na official weigh-in kanina sina welterweight contender Victor Ortiz at Josesito Lopez kaugnay sa kanilang laban bukas sa Staples Center sa Los Angeles, California.
Tumimbang si Ortiz sa 146.5 pounds habang nagtala naman na mas magaan si Lopez sa 144.75 pounds kung saan ginanap ang weigh-in sa Hollywood & Highland sa Hollywood.
Sa ginanap na face-off, hindi napigilang pumagitna na ni Golden Boy Promotions big boss Oscar De La Hoya upang paghiwalayin ang dalawang magkaribal bago pa man magkainitan ng husto dahil sa halos magbanggaan na ang kanilang mga mukha sa girian.
Wala namang nangyaring tulakan pero halata umano ang tensyon na namamagitan sa dalawa.
Tangka ni Ortiz na magpakitang gilas upang makalaban si Saul "Canelo" Alvarez sa September 15 sa MGM Grand sa Las Vegas.
Kung maalala pinatumba na rin ni Floyd Mayweather Jr. si Ortiz noong nakaraang taon.

Spoelstra, idol din si Pacman

Hindi naitago ng Filipino-American head coach ng Miami Heat na si Erik Spoelstra ang paghanga rin sa boxing superstar na si Manny Pacquiao.
Matapos ang pagkampeon kontra sa Oklahoma City Thunder, inamin ni Spoelstra sa harap ng libu-libong fans ng team na kaniyang iniidolo rin si Pacman.
Inihalintulad niya ang kampanya ng koponan sa isang boksing na minsan ay bagsak sa canvass o kaya knockdown pero sa susunod ay babawi rin.
Kung maaalala, ang team ni Pacquiao ay Boston Celtics at noong mismong araw ng kaniyang laban kay Timothy Bradley ay na-delay pa ng bahagya ang kaniyang entrance dahil hinintay pa niya ang resulta ng laro ng Game 7 sa pagitan ng Celtics at Miami.
Gumawa si Spoelstra ng kasaysayan bilang kauna-unahang Asian-American na naging head coach ng liga, at bukod-tanging basketball coach mula sa Asya na nagbigay ng championship title sa isang American professional sports team.
Ang ina ni Erik na si Elisa Celino ay tubong San Pablo, Laguna, habang ang ama nito na si Jon Spoelstra ay isang Dutch-Irish-American na dating executive ng iba't ibang NBA teams.
Sa nakalipas na tatlong taon, pabalik-balik na sa Pilipinas si coach Erik para sa kaniyang mga grassroots programs katulad ng pagho-host ng basketball clinics sa mga kabataang Pinoy.

Cleveland mayor, binati si LeBron; 'no hard feelings'

CLEVELAND - Wala umanong kinikimkim na sama ng loob ang mayor ng Cleveland laban kay LeBron James na unang tumalikod sa Cleveland Cavaliers para sumama sa Miami Heat.
Ang Miami Heat ang kampeon sa katatapos na NBA Finals laban sa Oklahoma Thunders kung saan si James ang nanguna sa nasabing kampanya.
Magugunitang pinagsusunog ng mga taga-Cleveland ang jersey ng kababayang si James dahil sa pag-iwan sa kanilang koponan.
Pero sinabi ni Mayor Frank Jackson na hangad nito ang dagdag pang tagumpay para kay LeBron James matapos ang kauna-unahang kampeonato sa ilalim ng Miami.
Ayon kay Mayor Jackson, binabati nito si James at umaasang gaganda pa ang career sa hinaharap.
Maliban kay Mayor Jackson, napaulat naman lahat ng mga taga-Cleveland na nakapanayam ay nagsabing dismayado sila kay James at nanatili ang kanilang dinaramdam matapos silang iwan at sumama sa koponang magdadala sa kanya sa championship. 
"Congratulations to him and I wish him well in the future," ani Mayor Jackson.

Heat vs Thunder, napantayan ang 2011 NBA championship sa ratings

Napantayan pagdating sa TV ratings ng katatapos na NBA finals ang nangyaring championship finals noong nakaraang taon sa mga umantabay at nanood na mga fans sa telebisyon.
Batay sa survey ng ABC, ang limang games sa pagitan ng Miami Heat at Oklahoma City Thunder ay nag-average na 10.1 percent.
Noong nakaraang taon kung maaalala ay tinalo sa six games ang Miami ng Dallas Mavericks.
Pero kung pagbabasehan naman ang Game 5 kahapon, mas angat naman ito sa ratings kung ihahambing sa Game 5 noong nakaraang taon na umabot sa 10.9 percent rating o angat ng 1 percent kumpara noong nakaraang taon.
Tulad ng inaasahan sa Miami, ang laro kahapon ay nakakuha ng 40.3 rating, ang highest sa isang NBA game.
Ang nabanggit na ratings ay kumakatawan sa porsyento ng lahat ng mga bahay na naka-tune in sa isang programa.

Miami Heat fans walang tigil sa kanilang victory celebration

Hanggang ngayon hindi pa rin matapos-tapos ang kaliwat-kanang selebrasyon sa Miami, Florida kaugnay pa rin sa pagkampeon ng Miami Heat sa NBA finals.
Sa darating na Lunes, isang victory parade ang isasagawa sa ilang pangunahing lansangan upang mabigyan ang mga fans na makisaya sa malaking tagumpay sa ikalawang pagkakataon.
Huling tinanghal na NBA champions ang Heat noon pang taong 2006.
Liban sa victory parade, magkakaroon din ng private celebration na gagawin naman sa loob ng American Airlines Arena kung saan doon na-sweep sa apat na laro ang Oklahoma City Thunders.
Bago ang parada sa susunod na linggo, mistulang piyesta ang isasagawa rin na lalahukan ng mga team members, mga opisyal, ang Filipino-American head coach na si Erik Spoelstra at ang triumvirate plavers na sina Finals MVP Lebron James, Dwayne Wade at si Chris Bosh.
Simula sa magdamag ay hindi pa rin magkamayaw ang Heat fans sa walang tigil na selebrasyon para sa kanilang koponan.

Biyernes, Hunyo 22, 2012


Imbestigasyon ng attorney general sa Pacquiao-Bradley controversy, gumugulong na

Gumugulong na ang imbestigasyon na isinasagawa ng Nevada State Attorney General’s Office kaugnay sa kontrobersiyal na resulta ng laban nina WBO welterweight champion Timothy Bradley Jr. at 8-division world champion Manny Pacquiao.
Ayon kay Top Rank Promotions CEO Bob Arum, nagtungo sa kaniyang bahay ang deputy chief investigator at tinanong umano siya ng ilang mahahalagang bagay.
Humingi na rin ang Attorney General’s Office kay Nevada State Athletic Commission executive director Keith Kizer ng ilang dokumento at fight tapes ng Pacquiao-Bradley fight maging ang judges scorecards.
Una rito, inilabas ng World Boxing Organization (WBO) ang resulta ng rescoring ng nasabing laban kung saan lahat na five-man panel ay pinaborang nanalo ang Pinoy boxing champion.

WBO rescoring, welcome kay Top Rank CEO Bob Arum

Ikinatuwa ni Top Rank Promotions CEO Bob Arum, ang inilabas na rescoring ng five-man panel ng World Boxing Organization (WBO) kaugnay sa kontrobersiyal na resulta ng laban nina Manny Pacquiao at Timothy Bradley.
Ayon kay Arum, maliwanag umano ang ibig sabihin ng WBO findings na kailangan na ng major revamp ang Nevada State Athletic Commission (NSAC).
Partikular na pinupunto ni Arum ang mga mas batang boxing judges.
Una rito, maging si Pacquiao ay labis na ikinagalak ang imbestigasyon ng WBO.
Sa inilabas ng World Boxing Organization (WBO) na resulta ng rescoring ng nasabing laban, ang five-man panel ay pinaborang manalo ang Pinoy boxing champion.

Scottie Pippen at Dennis Rodman, nasa Phl sa July para sa exhibition game

Tatlo sa mga NBA hall of famers ay nasa Pilipinas sa susunod na buwan.
Sina six-time NBA champion Scottie Pippen, Dennis Rodman at Oscar Robertson ay maglalaro sa July 18 para sa isang All-Star Basketball Challenge.
Maliban kina Pippen, Rodman at Robertson, magiging bahagi din ng all star cast ay sina four-time champion Horace Grant, dead-shot swingman Mitch Richmond, flashy playmaker Jason Williams, Clifford Robinson, Byron Russell, Charoy Bentley, Jeff Trepagnier, Chris Campbell at Alexis Foyle.
Kung maalala, bahagi sina Pippen at Rodman ng Michael Jordan era kung saan kasama nilang nasungkit ang championship title sa Chicago Bulls.
Isasagawa ang basketball challenge sa SM Mall of Asia Arena.

Championship title, alay ko rin sa mga Pinoy - Spoelstra

MIAMI - Iniaalay din umano ng Filipino-American coach Erik Spoelstra sa kaniyang pamilya at mga kababayang Pinoy ang nasungkit na kampeonato ng MIami Heat sa 2012 NBA Finals kontra Oklahoma City Thunder.
Maliban sa pagiging kauna-unahang Asian-American na naging head coach ng liga, gumawa rin ng panibaging kasaysayan si Spoelstra bilang bukod-tanging basketball coach mula sa Asya na nagbigay ng championship title sa isang American professional sports team.
Sa Game 5 series kontra Thunder, tinambakan ng Heat ang kalaban sa iskor na 121-106.
Ang ina ni Erik na si Elisa Celino ay tubong San Pablo, Laguna, habang ang ama nito na si Jon Spoelstra ay isang Dutch-Irish-American na dating executive ng iba't ibang NBA teams.
Sa nakalipas na tatlong taon, pabalik-balik na sa Pilipinas si Coach Erik para sa kaniyang mga grassroots programs katulas ng pagho-host ng basketball clinics sa mga kabataang Pinoy.
Aminado naman si Spoelstra na kung sakaling natalo sila Oklahoma ay tiyak umanong tapos na ang kaniyang career at kailangan na nitong maghanap ng ibang trabaho.
Maalala na marami ang nagduda sa kakayahan nitong hawakan ang koponan matapos na matalo ang Heat noong nakaraang season laban sa Dallas Mavericks.

LeBron James, nagtala ng triple-double sa 2012 NBA Finals

MIAMI - Pagkalipas ng anim na taon, muling nasungkit ng Miami Heat ang inaasam na NBA Championship title.
Sa 4-1 series, tinapos ng Heat ang laro kontra Oklahoma City Thunder para maiuwi ang titulo.
Maalala na unang nakamit ng koponan ang NBA title noong 2006 season kung saan tinalo nila ang Dallas Mavericks.
Mula first half, naging consistent ang performance ni LeBron James para pangunahan ang panalo ng team sa Game 5 sa iskor na 121-106.
Sa pagtatapos ng 3rd quarter, umabot pa ng 25 ang lamang ng Heat sa iskor na 95-70.
Si James ay nagtala ng triple-double sa rekord na 26 points, 11 rebounds at 13 assists.
Si Chris Bosh ay gumawa ng 24 points habang si Dwayne Wade ay may 20 puntos.
Tinanghal namang best performer ng Thunder si Kevin Durant sa kaniyang 32 points, 11 rebounds at 3 assists.
Tatlong minuto bago ang final buzzer, nagyakapan na bilang pagdiriwang sina coach Erik Spoelstra at James.
Habang hindi na rin pinalaro ni Thunder head coach Scott Brooks sina Kevin Durant at Russell Westbrook.

Dream come true ang championship victory ng Miami - LeBron James

MIAMI - Ipinagmalaki ngayon ni NBA MVP LeBron James na tama lamang ang kaniyang desisyon na lisanin ang Cleveland Cavaliers para maglaro sa Miami Heat.
Matapos pangunahan ang panalo ng Heat sa Game 5 ng NBA Final series kontra Oklahoma City Thunder, sinabi ni James na "dream come true" umano ang pagkapanalo ng bagong koponan.
Si James ay nagtala ng triple-double sa laro, kung saan gumawa ito ng 26 points, 11 rebounds at 13 assists para pangunahan ang 121-106 victory ng team laban sa Thunder.
''It means everything.. I made a difficult decision to leave Cleveland but I understood what my future was about ... I knew we had a bright future (in Miami). This is a dream come true for me. This is definitely when it pays off.''
Samantala, kaagad namang binati ni NBA scoring champion Kevin Durant si James sa panalo ng Miami.
Agaw-eksena din ang ginawang pagyakapan ng dalawa sa side court.
Ang Miami ang pangtalong koponan sa NBA history na nagtala ng sweep vicotry sa 2-3-2 format.
Nagawa rin ni Heat coach Erik Spoelstra na pantayan ang franchise record ng former coach na si Pat Riley matapos magtala ng 34th postseason win.

LeBron James, tinanghal na MVP sa 2012 NBA Finals

MIAMI - Tinanghal na Most Valuable Player ng 2012 NBA Finals si LeBron James. Matapos pangunahan ang panalo ng Heat sa Game 5 ng NBA Final series kontra Oklahoma City Thunder, sinabi ni James na "dream come true" umano ang pagkapanalo ng bagong koponan.
Si James ay nagtala ng triple-double sa laro, kung saan gumawa ito ng 26 points, 11 rebounds at 13 assists para pangunahan ang 121-106 victory ng team laban sa Thunder.
Ito ang kauna-unahang championship ring ni James pagkalipas ng tatlong beses na paglaro sa finals.
Maalala na noong 2007, tinalo ng San Antonio Spurs ang dati nitong koponan na Cleveland Cavaliers at noong nakaraang season, muling napahiya ang 27-year old power forward matapos ilampaso ang Heat ng Dallas Mavericks.
Looking forward na rin umano ang MVP sa susunod na season kung saan pangako nito sa mga fans ang second championship banner.

Kate, naghanda ng private dinner re: 30th b-day ni Prince William

LONDON - Bagama't naging abala sa Jubilee celebration at paghahanda para sa London Olympics, pinag-ukulan din ng atensyon ni Duchess Catherine ang 30th birthday ng asawa nitong si Prince William.
Ayon sa Palace officials, isang low-key private dinner ang inorganisa ng Duchess of Cambridge kung saan siya mismo ang nagsilbing host ng simpleng programa.
Tanging pamilya, kaanak at malalapit na kaibigan lamang ng mag-asawa ang inimbita sa nasabing okasyon.
Isinisikreto naman ng dating Kate Middleton kung ano ang iba pang birthday gift nito sa asawa.
Lumabas sa mga ulat na maaaring portrait ng kanyang sarili, itim na Labrador at scrapbook ng kanilang love story ni William.
Samantala, ngayong 30-anyos na si Prince William ay makukuha na nito ang mana niya mula sa yumaong ina na si Princess Diana.
Base sa last will testament, tinatayang $15.5 million ang makukuha ni William na kinabibilangan ng cash, ilang personal items at iba pang ari-arian ni Princess Diana.
Ganito rin ang makukuha ng bunsong kapatid nito na si Prince Harry pero kinakailangan pang maghintay ng kanyang ika-30 taong kaarawan sa taong 2014. (WashingtonPost)

Fil-Am Hollywood actress Vanessa Minnillo, lalaki ang ipinagbubuntis


LOS ANGELES - Masayang ibinalita ng mag-asawang Vanessa Minnillo at Nick Lachey na lalaki ang kanilang magiging unang anak.
Kung maaalala, lalaki talaga ang nais ng Hollywood model/actress na maging panganay nila ni Lachey.
"It's a BOY. Nick and I are incredibly excited to share the news that we are expecting a baby boy," pahayag ng 31-year-old model/actress. "We can't wait to meet him soon!!!"
Noong July 2011 nang ikasal si Vanessa sa dating "98 Degrees" member.
Una rito, ibinunyag ni Minnillo ang sikreto kung paano nito napanatili ang matibay na relasyon sa partner na si Nick Lachey.
Ayon sa dating Miss Teen USA, tinitiyak niyang magkasama silang mag-shower ng boyfriend dalawang beses sa isang araw.
Sa pamamagitan umano nito, nagkakaroon sila ng intimate conversation at napag-usapan ang mga bagay-bagay.
Hindi umano sex o romantic things ang kanilang ginagawa sa shower kungdi pag-uusap lang.
Si Minnillo ay ipinanganak sa Pampanga at ang ina nito ay isang Pinay ngunit maliit pa lamang siya ay nakipag-divorce na ito sa kaniyang ama na miyembro ng US Air Force.

American Idol Jessica Sanchez, itatampok sa U.S. TV series na 'Glee' 


LOS ANGELES - Maliban sa kanyang bigating performances sa pagkanta, masusubukan naman ang American Idol runner-up na si Jessica Sanchez sa larangan ng pag-arte.
Batay sa impormasyon, nasa gitna na ng pakikipagnegosasyon ang half Pinay singer para maging guest sa ikaapat na season ng hit musical TV series na Glee.
Pero wala pa naman umanong specific role ang naisasapinal para kay Sanchez na ngayon ay abala pa para sa summer tour kasama ang ibang finalist ng sinalihang kompetisyon.
Matatandaang bumandera rin ang Pinay international singing sensation na si Charice nang magka-guest appearance sa Glee. (ET)