Mga Pahina

Sabado, Hunyo 23, 2012


Ortiz 146.5 lbs; Lopez 144.75 lbs

HOLLYWOOD - Kapwa pasok sa ginanap na official weigh-in kanina sina welterweight contender Victor Ortiz at Josesito Lopez kaugnay sa kanilang laban bukas sa Staples Center sa Los Angeles, California.
Tumimbang si Ortiz sa 146.5 pounds habang nagtala naman na mas magaan si Lopez sa 144.75 pounds kung saan ginanap ang weigh-in sa Hollywood & Highland sa Hollywood.
Sa ginanap na face-off, hindi napigilang pumagitna na ni Golden Boy Promotions big boss Oscar De La Hoya upang paghiwalayin ang dalawang magkaribal bago pa man magkainitan ng husto dahil sa halos magbanggaan na ang kanilang mga mukha sa girian.
Wala namang nangyaring tulakan pero halata umano ang tensyon na namamagitan sa dalawa.
Tangka ni Ortiz na magpakitang gilas upang makalaban si Saul "Canelo" Alvarez sa September 15 sa MGM Grand sa Las Vegas.
Kung maalala pinatumba na rin ni Floyd Mayweather Jr. si Ortiz noong nakaraang taon.

Spoelstra, idol din si Pacman

Hindi naitago ng Filipino-American head coach ng Miami Heat na si Erik Spoelstra ang paghanga rin sa boxing superstar na si Manny Pacquiao.
Matapos ang pagkampeon kontra sa Oklahoma City Thunder, inamin ni Spoelstra sa harap ng libu-libong fans ng team na kaniyang iniidolo rin si Pacman.
Inihalintulad niya ang kampanya ng koponan sa isang boksing na minsan ay bagsak sa canvass o kaya knockdown pero sa susunod ay babawi rin.
Kung maaalala, ang team ni Pacquiao ay Boston Celtics at noong mismong araw ng kaniyang laban kay Timothy Bradley ay na-delay pa ng bahagya ang kaniyang entrance dahil hinintay pa niya ang resulta ng laro ng Game 7 sa pagitan ng Celtics at Miami.
Gumawa si Spoelstra ng kasaysayan bilang kauna-unahang Asian-American na naging head coach ng liga, at bukod-tanging basketball coach mula sa Asya na nagbigay ng championship title sa isang American professional sports team.
Ang ina ni Erik na si Elisa Celino ay tubong San Pablo, Laguna, habang ang ama nito na si Jon Spoelstra ay isang Dutch-Irish-American na dating executive ng iba't ibang NBA teams.
Sa nakalipas na tatlong taon, pabalik-balik na sa Pilipinas si coach Erik para sa kaniyang mga grassroots programs katulad ng pagho-host ng basketball clinics sa mga kabataang Pinoy.

Cleveland mayor, binati si LeBron; 'no hard feelings'

CLEVELAND - Wala umanong kinikimkim na sama ng loob ang mayor ng Cleveland laban kay LeBron James na unang tumalikod sa Cleveland Cavaliers para sumama sa Miami Heat.
Ang Miami Heat ang kampeon sa katatapos na NBA Finals laban sa Oklahoma Thunders kung saan si James ang nanguna sa nasabing kampanya.
Magugunitang pinagsusunog ng mga taga-Cleveland ang jersey ng kababayang si James dahil sa pag-iwan sa kanilang koponan.
Pero sinabi ni Mayor Frank Jackson na hangad nito ang dagdag pang tagumpay para kay LeBron James matapos ang kauna-unahang kampeonato sa ilalim ng Miami.
Ayon kay Mayor Jackson, binabati nito si James at umaasang gaganda pa ang career sa hinaharap.
Maliban kay Mayor Jackson, napaulat naman lahat ng mga taga-Cleveland na nakapanayam ay nagsabing dismayado sila kay James at nanatili ang kanilang dinaramdam matapos silang iwan at sumama sa koponang magdadala sa kanya sa championship. 
"Congratulations to him and I wish him well in the future," ani Mayor Jackson.

Heat vs Thunder, napantayan ang 2011 NBA championship sa ratings

Napantayan pagdating sa TV ratings ng katatapos na NBA finals ang nangyaring championship finals noong nakaraang taon sa mga umantabay at nanood na mga fans sa telebisyon.
Batay sa survey ng ABC, ang limang games sa pagitan ng Miami Heat at Oklahoma City Thunder ay nag-average na 10.1 percent.
Noong nakaraang taon kung maaalala ay tinalo sa six games ang Miami ng Dallas Mavericks.
Pero kung pagbabasehan naman ang Game 5 kahapon, mas angat naman ito sa ratings kung ihahambing sa Game 5 noong nakaraang taon na umabot sa 10.9 percent rating o angat ng 1 percent kumpara noong nakaraang taon.
Tulad ng inaasahan sa Miami, ang laro kahapon ay nakakuha ng 40.3 rating, ang highest sa isang NBA game.
Ang nabanggit na ratings ay kumakatawan sa porsyento ng lahat ng mga bahay na naka-tune in sa isang programa.

Miami Heat fans walang tigil sa kanilang victory celebration

Hanggang ngayon hindi pa rin matapos-tapos ang kaliwat-kanang selebrasyon sa Miami, Florida kaugnay pa rin sa pagkampeon ng Miami Heat sa NBA finals.
Sa darating na Lunes, isang victory parade ang isasagawa sa ilang pangunahing lansangan upang mabigyan ang mga fans na makisaya sa malaking tagumpay sa ikalawang pagkakataon.
Huling tinanghal na NBA champions ang Heat noon pang taong 2006.
Liban sa victory parade, magkakaroon din ng private celebration na gagawin naman sa loob ng American Airlines Arena kung saan doon na-sweep sa apat na laro ang Oklahoma City Thunders.
Bago ang parada sa susunod na linggo, mistulang piyesta ang isasagawa rin na lalahukan ng mga team members, mga opisyal, ang Filipino-American head coach na si Erik Spoelstra at ang triumvirate plavers na sina Finals MVP Lebron James, Dwayne Wade at si Chris Bosh.
Simula sa magdamag ay hindi pa rin magkamayaw ang Heat fans sa walang tigil na selebrasyon para sa kanilang koponan.

Biyernes, Hunyo 22, 2012


Imbestigasyon ng attorney general sa Pacquiao-Bradley controversy, gumugulong na

Gumugulong na ang imbestigasyon na isinasagawa ng Nevada State Attorney General’s Office kaugnay sa kontrobersiyal na resulta ng laban nina WBO welterweight champion Timothy Bradley Jr. at 8-division world champion Manny Pacquiao.
Ayon kay Top Rank Promotions CEO Bob Arum, nagtungo sa kaniyang bahay ang deputy chief investigator at tinanong umano siya ng ilang mahahalagang bagay.
Humingi na rin ang Attorney General’s Office kay Nevada State Athletic Commission executive director Keith Kizer ng ilang dokumento at fight tapes ng Pacquiao-Bradley fight maging ang judges scorecards.
Una rito, inilabas ng World Boxing Organization (WBO) ang resulta ng rescoring ng nasabing laban kung saan lahat na five-man panel ay pinaborang nanalo ang Pinoy boxing champion.

WBO rescoring, welcome kay Top Rank CEO Bob Arum

Ikinatuwa ni Top Rank Promotions CEO Bob Arum, ang inilabas na rescoring ng five-man panel ng World Boxing Organization (WBO) kaugnay sa kontrobersiyal na resulta ng laban nina Manny Pacquiao at Timothy Bradley.
Ayon kay Arum, maliwanag umano ang ibig sabihin ng WBO findings na kailangan na ng major revamp ang Nevada State Athletic Commission (NSAC).
Partikular na pinupunto ni Arum ang mga mas batang boxing judges.
Una rito, maging si Pacquiao ay labis na ikinagalak ang imbestigasyon ng WBO.
Sa inilabas ng World Boxing Organization (WBO) na resulta ng rescoring ng nasabing laban, ang five-man panel ay pinaborang manalo ang Pinoy boxing champion.